2 sugatan sa nagliyab na tanker
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang sugatan makaraang sumabog ang isang gas tanker habang kinakargahan ng gasolina sa isang gas station sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Nakilala ang mga biktimang sina Jerome Nava, helper at Eddie Magada, driver na nagtamo ng pagkalapnos ng katawan at isinugod sa East Avenue Medical Center.
Nangyari ang pagsabog ganap na alas-11:40 ng tanghali sa may City Oil Gasoline Station sa Araneta Ave., corner Calamba Bgy. Talayan ng nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na ulat, nagsasalin ng diesel ang mga biktima sa isang tanker truck sa naturang gas station nang biglang mag-spark at magliyab at tamaan ang mga biktima ng apoy.
Nagtuluy-tuloy ang pagliyab ng tanker hanggang sa masunog ang kabuuan nito at maapula ng dumating ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Pinalalagay naman na ang sobrang init ng panahon ang isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng apoy.
- Latest
- Trending