MANILA, Philippines - Isa sa dalawang pulis na may shoot-to-kill order mula kay Manila Mayor Alfredo Lim ang nadiskubreng may patung-patong na kaso matapos na personal na ayudahan nina city legal officer Atty. Renato Dela Cruz at chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman.
Ayon kay Lim, inatasan niya sina Dela Cruz at de Guzman na ituloy ang kaso laban kay PO1 Fulgencio Sideco ng RHSG-NCRPO sa Bicutan, Taguig City at residente ng No. 309 Simon St., Tondo, Maynila, matapos pagbabarilin ng 12 beses si Danilo Serrano, 63, noong Abril 3.
Sinabi ni Lim na lumilitaw na tambak ang kaso ni Sideco sa Manila Prosecutor’s Office kabilang na ang illegal discharge of firearm na isinampa ng isang Lowie Reyes noong Disyembre 26, 2011 at physical injury na isinampa ni Ana Rose Narvaez noong Pebrero 6, 2012. Hindi naman malaman ang dahilan ng pagkakabasura ng reklamo ni Roberto Elmar kay Sideco na physical injuries at grave threats noong Agosto 17, 2011.
Pinaalalahanan din ni Lim ang kapulisan sa pangunguna ni Manila Police District Director Chief Supt. Alex Gutierrez na doblehin ang pag-iingat lalo pa’t mapanganib at armado sina Sideco at PO2 Rommel Fortuno.
Nabatid kay Homicide Section chief Joey de Ocampo, na si Sideco ay armado ng M-16 at .9mm pistol habang si Fortuno ay may dalang 12-gauge shotgun at baril.