MANILA, Philippines - Lumalabas na nawala sa sariling pag-iisip makaraang hindi makainom ng gamot sa kanyang karamdaman ang babaeng tumalon at nasawi buhat sa ikatlong palapag ng isang shopping mall sa Las Piñas City nitong nakaraang Martes.
Kinilala na ng kanyang mga kaanak ang biktima na si Celedonia Aquino, 55, balo at dating naninirahan sa Carmencita Village, Admiral, ng naturang lungsod.
Ayon kay PO1 Ernesto Bautista Jr. ng Station Investigation Division ng Las Piñas City Police, naging daan sa pagkakilala sa biktima ang nakuha nilang sim card sa wallet na nakalagay sa bulsa ng jogging pants.
Nang kanilang tawagan ang isang numerong nakalagay sa sim card, dito nila nakontak si Alvin Aquino, anak ng biktima. Agad na nagtungo sa morgue ng Las Piñas City Medical Center si Alvin at positibong kinilala ang ina.
Sa salaysay ni Alvin, may karamdaman ang kanilang ina na kapag hindi nakakainom ng gamot ay nawawala sa katinuan at nagwawala. Maaari umanong nawala sa pag-iisip ang kanyang ina nang natanggal ang talab ng huling gamot na nainom nito.
Matatandaan na nasawi ang biktima nang tumalon umano buhat sa ikatlong palapag ng isang mall sa Alabang Zapote Road pasado alas-4 ng hapon nitong nakaraang Martes.
Hinablot pa umano ng biktima ang isang batang babae sa kanyang pagtalon ngunit masuwerteng nakahulagpos ito.