MANILA, Philippines - Pinasisibak ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang dalawang pulis-Maynila na tumangay ng malaking halaga mula sa dalawang Koreano noong Sabado ng madaling-araw (Abril 7) malapit sa Malate Church sa Maynila.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap din sa kasong kriminal sina PO2 Reynaldo Faller Olivo, 37, ng Blk.5 Lot 11, Model Community, Tondo, Manila at PO1 Vincent Paul Ubaldo Medina, 26, ng #2253 F.Munoz Street, Singalong, Malate, Manila na positibong itinuro sa profile photo nina Korean victims Lee Jun Hee at Baek Sung Kyun.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw noong Sabado de Gloria nang hintuan ng mobile car nina Olivo at Medina ang dalawang biktimang Koreano kung saan hinuli saka nilimas ang P20,000.
Ayon kay Lim, tulad ng kanyang mga sinasabi, walang puwang sa Manila Police District ang mga tiwaling alagad ng batas lalo na ang mga nanloloko ng sibilyan na walang kalaban-laban.
Sinabi ni Lim sa mga magpupulis na hindi ito ang lugar o trabaho na pinagkakakitaan ng pera. Prayoridad dito ay ang pagbibigay ng serbisyo.
Sinamahan naman nina Wesley Co at Leo Anthony Balantac ng Korean Embassy’s legal office, ang dalawang biktima upang magsampa ng kaso sa MPD-General Assignment Section.
Dismayado naman si P/Supt. Jemar Modequillo sa ginawa ng kanyang mga tauhan kung saan sinabi nito na hindi niya kukunsintihin sina Olivo at Medina.