MANILA, Philippines - Natukoy na ng pulisya ang mga magulang ng sanggol na ikinahon at itinapon sa basurahan sa Barangay West Kamias, Quezon City noong Lunes ng umaga.
Ayon sa ulat, ang mga magulang ng sanggol na tinawag na “Baby Girl Quibo” ay kinilalang sina Evangeline Quibo, 18; at Joseph Arias na kapwa nakatira sa Barangay Central.
Samantala, todo naman ang hinagpis ni Evangeline matapos na mabatid ang sinapit ng kanyang anak na basta na lamang itinapon sa basurahan matapos na mamatay sa sakit na pneumonia.
Sinasabing hindi alam ni Evangeline na itatapon ang anak matapos na ipagkatiwala sa ama ang disposisyon para sa paglilibing nito.
Mariin naman itinanggi si Arias na siya mismo ang nagtapon ng sanggol dahil sa isang lalaki ang binayaran niya ng P300 para ilibing ang bata sa Bagbag Cemetery sa Novaliches.
Magugunita na ang sanggol na may nakasulat na “Baby Girl Quibo” ay natagpuan ng basurero sa kahabaan ng K-6th Street sa Barangay West Kamias ganap na alas-5:45 kamakalawa ng umaga.
Hindi naman masampahan ng kaso ang mga magulang ng sanggol bagkus ay pinangaralan ito ng pamunuan ng Barangay hinggil sa wastong pagpapamilya at pangangalaga sa bata.