Mister naghamon ng patayan tinuluyan

MANILA, Philippines - Tinuluyang patayin ng riding-in-tandem ang 39-anyos na senglot na sinasabing nagwala at nag­hamon ng patayan sa kanilang barangay sa Pasay City kahapon ng umaga.

Patay agad dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang si James Tupas, dating residente ng #34 Apelo Cruz Street, Ba­rangay Malibay, Pasay City.

Hindi naman nakilala ang dalawa na bumaril at nakapatay sa biktima na agad na tumakas lulan ng motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng Pasay City PNP, unang nagwala si Tupas kama­kalawa ng gabi at nag­hamon ng patayan sa ilang mga tambay. 

Pinatulan naman ito ng mga hindi nakilalang lalaki at pinagtulungang gulpihin hanggang sa isugod ito sa Pasay City General Hospital.

Bandang alas-5:45 ng umaga nang lumabas ng ospital at umuwi ang biktimang lulan ng tricycle. 

Lingid sa biktima ay sinundan siya ng riding-in-tandem kung saan pagsapit sa Zamora Street ay isinagawa ang pagbaril sa ulo.

Ayon kay P/Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay PNP, may close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa gate na malapit sa crime scene kaya hihilingin nila sa may-ari ng bahay na mapanood ang footage nito upang makilala ang gunman.

Show comments