Burdado ng tattoo itinumba

MANILA, Philippines - Isang lalaki na burdado ng tattoo sa buong katawan ang napagtripang saksakin at mapatay sa bahagi ng Brgy. Gulod, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kasalukuyang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawan na may taas na 5’4’’, payat, nakasuot ng brown pants, may tattoo sa dibdib na “Ding Vic Lecterio” SBS, we shall die, mechanic sa likuran at Jushua sa kaliwang braso.

Ayon kay SPO1 Eric Lazo, naganap ang krimen sa kahabaan ng Susan St. sa harap ng Dikis Bread House bandang alauna ng madaling-araw.

Lumilitaw na papauwi na si Dan Guillermo nang makarinig ng umuungol sa madilim na bahagi ng nasabing lugar.

Nagpasyang hanapin ni Guillermo ang pinagmulan ng ungol at nakita niya ang biktima habang nakasubsob sa kalye. Naisugod pa ang biktima sa Nova District Hospital saka inilipat sa Quezon City General Hospital kung saan ito nasawi.

Show comments