Guro, tanod, 5 pa patay sa pamamaril
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin ang isang guro, tanod at limang iba pa sa magkakahiwalay na lugar sa Muntinlupa, Quezon City at Malabon.
Dead-on-the-spot makaraang mapuruhan ng bala sina Sandra Obayan, 26, guro, at si Godofredo Villa, 28, kapwa residente ng Southville, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Hindi naman naisalba pa ng mga doktor sa Medical Center Muntinlupa City si Reynaldo Corbes, 30 at sa Ospital ng Muntinlupa si Danilo Ramos, 29.
Nailigtas naman sa kamatayan sa Medical Center Muntinlupa si Aileen Villa, 36, na tinamaan ng bala sa kanang hita.
Naganap ang pamamaril dakong alas-8:15 Sabado ng gabi malapit sa bahay ni Obayan sa Phase 3 Blk 1 Lot 87 Southville 3.
Nag-uusap umano ang mga biktima nang dumating ang dalawang lalaki na nakasuot ng bullcap at jacket na maong at nagtanong sa mga biktima na kunwari’y may hinahanap na tao.
Walang sabi-sabing biglang nagbunot ng baril ang mga salarin at niratrat ang mga biktima bago nagtatakbo sa pagtakas sa hindi mabatid na direksyon.
Samantala, patay din ang barangay tanod na si Jimmy Vasquez, 33, ng no.116 N. Ramirez St., Brgy. Doña Aurora, Q.C. sakay ng kanyang tricycle dakong alas 10:30 ng gabi ni Valquez nang harangin ng isang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo at pagbabarilin sa panulukan ng Plaridel at Luskot Sts., Quezon City.
Namatay naman habang ginagamot sa Valenzuela General Hospital sanhi ng tama sa dibdib at braso si Rodney Razon, 33 ng Nuestra Subd., Panghulo, habang dead-on-the-spot naman sanhi ng tama ng bala si Patrick Sella, 21 ng Sitio 6, Catmon, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Malabon City Police, naglalakad si Razon dakong alas-8:15 kamakalawa ng gabi sa Mulawin St., Panghulo nang harangin ng mga hindi nakilalang salarin. Isa sa mga ito ang naglabas ng baril at sunud-sunod na pinaputukan nang malapitan ang biktima saka mabilis na nagsitakas lulan ng isang motorsiklo.
Galing naman sa bahay ng kanyang nanay si Sella dakong alas-9 kahapon ng umaga at naglalakad na pauwi sa may Dumpsite, Brgy. Catmon nang harangin ng hindi nakilalang salarin at agad na pagbabarilin ito.
Kapwa blangko naman ang mga otoridad sa motibo at pagkakakilanlan sa mga salarin sa dalawang insidente.
- Latest
- Trending