MANILA, Philippines - Tatlong security detail, kabilang ang isang aktibong pulis, ang pawang nasawi nang pagbabarilin ng pitong armadong salarin na pumasok sa compound ng may-ari ng Banco Filipino na si Bobby Aguirre sa Las Piñas City kamakalawa ng hatinggabi.
Pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang mga nasawing biktima na sina retired SPO2 Melvin Padaca, PO3 Luisito Macatunao, ng Police Security and Protection Group (PSPG) at security guard na si David Maguira.
Ayon sa paunang ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng compound ng bahay ni Aguirre sa Pablo Roman St., Tropical Avenue, BF International, ng naturang lungsod.
Ayon kay Las Piñas Police Chief Romulo Sapitula, nasilip nila ang closed circuit television (CCTV) ng kapitbahay ng mga Aguirre at nakita ang pagpasok ng isang motorsiklo, pagdating ng isang taxi at dalawa pang kotse subalit hindi gaanong makita ang plaka ng mga sasakyan.
Dahil dito, posible aniyang nasa anim hanggang pito ang bilang ng mga nanloob sa bahay ng negosyante.
Lumalabas naman na maaaring hindi pagnanakaw ang pakay ng mga salarin dahil sa nagmamadali rin namang tumakas ang mga ito at walang kinuha sa bahay ng mga Aguirre.
Hindi pa rin naman makapagbigay ng impormasyon ang pulisya kung target ng mga salarin si Aguirre at kung nasa loob ng bahay ito nang maganap ang pagpasok ng mga armadong salarin.
Patuloy pa rin naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at pagtukoy sa motibo.
Inaalam rin naman kung may kaugnayan ito sa pagsasara ng Banco Filipino noong Marso 17, 2011 matapos na magdeklara ng “bankruptcy”.