MANILA, Philippines - Patay ang magkapatid na menor-de-edad makaraan umanong malunod habang naliligo sa isang swimming pool sa loob ng isang subdivision na tirahan ng mga umano’y prominenteng pamilya sa lungsod Quezon, kahapon.
Sa inisyal na ulat na ibinigay ni PO2 Lucy Paradino, ng Quezon City Police Station 11, ang magkapatid na sina Daniela Egesaban, 10; at Salina, 9, mga residente sa Woodside Homes Subdivision, Brgy. Kristong Hari sa lungsod.
Ang mga biktima umano ay inireport sa kanila ng Police Station 7 matapos na rito unang itinawag ng security guard ng St. Luke’s Medical Center kung saan itinakbo ang mga biktima ng kanilang mga magulang matapos ang insidente.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng PS11, nangyari ang insidente sa may swimming pool ng nasabing club house ng subdivision ganap na alas-12 ng tanghali.
Diumano, naliligo ang magkapatid sa pool hanggang sa magkaroon ng problema si Salina habang lumalangoy. Dahil dito, agad na sinagip ni Daniela ang kapatid hanggang sa kapwa lumubog ang mga ito at mawalan ng malay.
Nabatid mula kay Paradino na ang mga bata ay itinakbo mismo ng kanilang mga magulang sa St. Luke’s Medical Center kung saan ang mga ito binawian ng buhay.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.