MANILA, Philippines - Dahil sa mababang uri ng pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente, sinibak ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang direktor ng Ospital ng Maynila (OSMA) matapos ang isinagawang sopresang pagbisita sa nabanggit na ospital noong Linggo ng umaga kasama ang mga opisyal ng local na pamahalaan ng Maynila.
Ipinalit ng alkalde kay dating OSMA director Dra. Janet Tan, ang kanyang deputy director na si Evangeline Morales.
Kasama ng alkaldeng nag-inspeksiyon sa OSMA sina secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas, city administrator Jay Marzan, legal officer Renato dela Cruz, social welfare chief Jay dela Fuente, department of public services chief ret. Col. Carlos Baltazar at chief of staff atmedia bureau director Ric de Guzman.
Nilibot ng alkalde ang lahat ng pasilidad, binusisi ang operasyon at ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap na residente ng naturang hospital.
Bumuo rin ng grupo ang alkalde na magsasagawa ng ebalwasyon sa kasalukuyang estado ng OSMA, para ma-improve ang serbisyong ibinibigay sa mga mahihirap na residente ng Maynila.
Bukod sa pag-iikot sa pasilidad, kabilang na ang comfort rooms, pharmacy at stock room, tiningnan din ni Lim ang kondisyon ng mga pasyente na nasa mga wards at emergency room.
Nag-iwan ng financial assistance sa mga pasyente, na labis namang ikinatuwa ng mga pasyente.