2 miyembro ng 'Termite Gang' timbog
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng tinaguriang “Termite gang” ang naaresto ng mga operatiba matapos na mahuli sa aktong gumagawa ng hukay sa isang inuupahang apartment patungo sa bibiktimahing pawnshop sa lungsod Quezon.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Guerrero, nakilala ang mga suspect na sina Elmer Acosta, 36, at George Lipato, 45, kapwa magsasaka mula sa Cainta, Rizal at kasalukuyang nakadetine sa QCPD-Station 5 at nahaharap sa kasong attempted robbery at malicious mischief.
Ang Termite gang na tinagurian ding Igorot gang at Acetylene gang ay ang grupo na gumagawa ng tunnel patungo sa pawnshop o iba pang establisyemento para makapagnakaw.
Sinasabing halos dalawang linggo nang naghuhukay ng tunnel ang mga suspect sa kanilang inuupahang commercial unit sa may #34 J.P. Rizal St. in Bgy. Sta. Lucia, Novaliches nang madakip ng mga awtoridad ganap na alas 11 ng umaga. Ang naturang unit ay pag-aari ng isang Corazon Planas.
Narekober din sa lugar ang acetylene tank, green bulb, isang screw driver, isang hand drill, dalawang crow bars, at mga gloves.
Nabatid na puntirya ng mga suspect ang kalapit na sanglaan na Caralink Pawnshop na nasa #35 J.P. Rizal St.
Nakahukay na umano ang mga suspect ng limang metro haba ng tunnel patungo sa harap ng naturang bahay sanglaan. Ang nasabing pawnshop ay walang guwardiya o closed circuit television (CCTV) camera.
Mula sa kanal, tatlong metro na lamang ang layo at nasa pawnshop na ang hukay ng nilikha ng mga suspect.
Sinabi ni Planas sa pulisya, isang babae umano ang lumapit sa kanya at nagdeposito ng P15,000 para sa unit kung saan sinimulang tirhan nito ng mga suspect noong Marso 22. Gagamitin umano ng babae ang unit bilang tindahan ng bigas at grocery.
Ilang mga residente ang nagduda dahil sa ingay na nililikha mula sa nasabing unit na tila naghuhukay. Unang inakalang maaring ginagawa ang nasabing tindahan pero may mga residente ang agad na inireport ang ingay sa barangay hall na agad namang humingi ng ayuda sa pulis saka nagtungo sa nasabing unit.
Mula dito ay kinausap ng mga awtoridad si Planas para buksan ang unit kung saan tumambad sa kanila ang dalawang suspect habang nasa aktong naghuhukay ng butas.
- Latest
- Trending