MANILA, Philippines - Hindi pa man nareresolba ang mga kasong kinakaharap kaugnay sa reklamong indiscriminate firing sa isang post Christmas party noong nakalipas na Disyembre, nasangkot na naman ang isang bagitong miyembro ng Philippine National Police sa pamamaril at pagpatay sa isang tatay ng kapwa pulis at pagkasugat ng dalawang iba pa, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PO3 Alonzo Layugan, ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Danilo Serrano, 62, ng #306 Lacson St. Tondo, Maynila at ama ng miyembro ng Manila Police District-station 1 na si PO2 Carlito Serrano. Binawian siya ng buhay sa Mary Johnston Hospital dulot ng mga tinamong bala. Sugatan din ang isang Edwin Crisostomo, na nagtamo ng bala sa paa at sa hita naman ang isang Aling Cora, na may-ari ng lugawan.
Itinuturong suspect si PO1 Fulgencio Sideco, ng PNP-National Capital Region Police Office-Regional Personnel Holding and Accounting Unit (NCRPO-RPHAU), sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City at residente ng #309 Simon St. Tondo.
Kumakain lamang umano ng lugaw sa kanto ng Lacson at Romana Sts. dakong alas 4:30 ng hapon nitong Martes ang biktima nang biglang sumugod ang suspect na si Sideco at inabutang nakaupo ito at pinagbabaril ng sunud-sunod kahit nakalugmok na ito at nadamay ang katabi niyang si Crisostomo at may-ari ng lugawan.
Sinasabing may dati na umanong alitan si Sideco at anak ng biktima na si PO2 Serrano at nang sugurin ay inabutan ang ama na pinagbuntunan ng galit. Inaalam din kung sino ang dalawa pang kasama ni Sideco nang magtungo sa lugar, na sinasabing kaswal na naglakad matapos ang pamamaril sa direksiyon ng Romana St.
Matatandaang dinakip si Sideco ng mga tauhan ng Manila Police District-General Assignment Section nang magdulot ng gulo, nang mag-gate crash ito sa isang party sa kanilang lugar, nagpaputok ng baril, nanakot at nanutok ng baril kaya nagsiuwian ang mga nagsasaya noong Disyembre 27, 2011.
Bukod pa sa indiscriminate firing, inireklamo rin siya ng alarm and scandal at acts of lasciviousness ng mga biktimang sina Lowie Reyes, 21; Ariane Toledo, 19 at Michelle Reyes, 25, pawang residente ng Tondo.