MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Reaction, Arrest and Interdiction Division ang LRC Compound, sa C.M. Recto, Sta. Cruz, Maynila matapos makabili ang kanilang asset sa test-buy operation ng may 30 piraso ng pekeng P1,000 bills, kamakalawa ng hapon.
Ayon sa BSP, matagal na silang nakakatanggap ng impormasyon na sa mga bahay sa LRC compound, ginagawa ang pekeng Philippine currency at nang magkaroon ng pagkakataon, sa pamamagitan na poseur-buyer ay sinubukan bumili ng nasabing salapi.
Bagamat walang nakumpiskang pekeng mga pera sa pagawaan, maliban sa nabili ng impormante, sa nasabing raid, narekober sa bahay ng isang alyas “Monette” ang mga materyales tulad ng stencil, silkscreen, at finishing touches materials tulad ng indiscent band na nilalagay ang numerical value ng pera at watermark para may maaninag na mga mukha kung sisilip sa liwanag para sa mga old currencies.
Nabibili ang P1,000 sa halagang P150-300, samantalang nasa P75 hanggang P200 ang pekeng P500. Ayon pa sa impormante, karamihan daw mga pulitiko ang nagpapabili ng pekeng pera, na hindi naman tiyak kung totoo dahil nagkalat naman ito sa mga lugar sa Metro Manila hanggang sa lalawigan.
Ang na-master pa lang ng mga namemeke ay ang mga old 500 at 1000 bills at hindi pa nila kaya ang mga new generated currencies dahil sa mga enhanced features nito.
Inihahanda naman ang kaukulang kaso ng BSP sa suspect na si alyas “Monette” at sa isang lalaking manggagawa nito.