MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang binatilyo makaraang barilin ng isang barangay tanod sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Rizalino Hulleza Jr., alyas Jimboy, 3rd year high school at residente sa #13 Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Pinaghahanap naman ang suspect na si Bernardo Ros, miyembro ng Barangay Police Security Office (BPSO) ng #2 Sto. Domingo St., na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Ayon kay PO3 Loreto Tigno ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente sa harap ng isang bahay sa #2 Saint Joseph St., Brgy. Holy Spirit ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Bago nito, masayang nag-iinuman ang biktima at mga kaibigang sina Peter Baay at Jay-Ar Lazar bilang selebrasyon sa graduation sa high school ng kaibigan na nakilala lamang sa pangalang Rap-Rap.
Ilang sandali pa, dumating ang suspect kasama ang iba pang barangay tanod at pinagsabihan ang grupo ng biktima na huminto sa pag-inom dahil nagdudulot sila ng ingay at istorbo sa ilang mga kapitbahay.
Samantala, habang nagsasalita ang mga barangay tanod ay biglang tumakbo ang biktima dahilan para magbunot ng baril si Ros at barilin ito sa ulo.
Dead-on-the-spot ang biktima sa nasabing lugar, habang ang suspect ay mabilis na tumakas papalayo sa nasabing lugar.