Ginang todas sa selosong mister
MANILA, Philippines - Dahil umano sa matinding selos, isang ginang ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang mister sa lungsod Quezon kahapon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Imelda Agunod, 44, may-asawa ng #22 Ofelia St., Brgy. Bahay Toro sa lungsod bunsod na rin ng maraming tama ng saksak sa mukha at katawan.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspect na si Felix Agunod na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Ayon kay SPO1 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso, selos umano ang ugat ng pamamaslang ng suspect.
Nangyari ang insidente sa mismong bahay ng mag-asawang Agunod ganap na alas-7:30 ng gabi.
Ayon kay Eduardo Abagao, kapatid ng biktima, nakikipagkwentuhan siya sa kanyang mga kaibigan sa harap ng bahay ng mag-asawa nang makarinig siya ng sigaw ng kapatid na humihingi ng saklolo.
Dahil dito, nagmamadali si Abagao na buksan ang pinto ng bahay ng mag-asawa pero naka-lock ito kung kaya’t pinuwersa niyang buksan ang main door nito.
Dito na nakita ni Abagao ang suspect na may hawak na duguan patalim at nang puntahan niya ang kuwarto ng mag-asawa ay nakita naman niya ang kapatid na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sarili nitong dugo.
Mula rito ay mabilis na lumabas ng bahay ang suspect at pumara ng taxi kung saan tinutukan nito ang driver at hinatak papalabas bago tuluyang tinangay ang taxi na nagsilbi nitong get-away car patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Patuloy ang follow-up operations ng CIDU laban sa suspect.
- Latest
- Trending