Militar, K9 ikakalat sa MM
MANILA, Philippines - Upang tulungan ang pulisya sa pagpapatupad ng seguridad sa Metro Manila, magdedeploy na rin ng sapat na puwersa ang AFP-National Capital Region Command at mga K-9 dogs kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Jessie Dellosa, ang hakbang ay alinsunod sa Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC) sa pagitan ng PNP, AFP at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Tiniyak din ni Dellosa na handa ang tropa ng militar na magresponde sa anumang banta sa seguridad sa Semana Santa.
Una nang inihayag ni NCRPO Chief P/Director Alan Purisima na aabot sa 7,000 pulis ang ipakakalat sa panahon ng Kuwaresma sa mga istratehikong lugar partikular na sa transport terminals.
Nabatid na sanhi ng patuloy na exodus ng mga pasahero sa terminal, daungan at paliparan ay pinaigting na rin ng AFP ang kanilang security monitoring gayundin sa pag-ayuda sa PNP para tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Kabilang sa ide-deploy ay 30-sundalo mula sa Joint Task Force Land -NCR na bahagi ng augmentation sa Quezon City Police District, 30 mula sa Joint Civil Military Operations Task Force na augmentation naman sa MMDA forces na naka-deploy sa mga bus terminal sa kahabaan ng Edsa at Araneta Center sa Cubao, Quezon City; JTF Maritime-NCR na paiigtingin naman ang sea marshal gayundin ang visibility patrols sa mga daungan.
- Latest
- Trending