Habambuhay sa 3 Tsino sa 7 kilo ng shabu
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkakulong ang ipinataw na parusa ng Parañaque City Regional Trial Court sa tatlong Chinese national na nadakip noong nakalipas na taon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation.
Sa 18-pahinang desisyon ni Parañaque RTC Judge Danilo V. Suarez ng Branch 259, napatunayang nagkasala sina Sun Xiao Xu, alias William Chua; Wenxian Hong, alias Andy Hong at ang babaeng si Xiu Qin Shi, alias Kim Sy sa kasong pagbebenta ng iligal na droga makaraang makumpiska sa kanilang posesyon ang pitong kilo ng shabu.
Pinagbabayad din ng huwes ang mga akusado ng tig-P3 milyong piso bilang danyos. Bukod dito, pinatawan rin ng dalawang bilang na habambuhay na pagkabilanggo sina Sunxiao Xu at Wenxian Hong matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta ng 500 gramo ng shabu habang napawalang-sala dito si Kim Sy.
Batay sa rekord ng korte, nadakip sa isang buy-bust operation noong Abril 18, 2010 sa Doña Soledad Avenue, Better Living, Parañaque City ang tatlo matapos ang ilang linggong pagmamanman ng mga ahente ng PDEA. Pinaniniwalaang miyembro ng isang internasyunal na sindikato ng iligal na droga ang mga akusado.
- Latest
- Trending