2 karnaper/killer, arestado
MANILA, Philippines - Nalutas na ng pulisya ang kasong pagpatay at pagtangay sa sasakyan ng bilas ng alkalde sa isang bayan sa Isabela makaraang maaresto ang mga ito nang tangkaing katayin ang mga piyesa ng sasakyan, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Vincent Alvarez, 31, security guard, ng Plaridel Heights Subdivision, Santiago City, Isabela at Arman Morales, 31, ng Purok 1 Libertad, Echague, Isabela.
Ang dalawa ang itinuturong bumaril at pumatay kay Joseph Henry Talampas, bilas ng alkalde ng Santiago City sa Isabela.
Sa ulat ng Pasay City Police, unang sinita ng mga tauhan ng Intelligence Unit ng pulisya ang dalawa makaraang matiyempuhan na tinatanggal ang mga gulong ng Toyota Altis (ZCN-478) sa may kanto ng E. Rodriguez at Roxas Boulevard, dakong alas-7 ng umaga. Ito’y makaraang makarating sa kaalaman ng pulisya ang pagbebenta ng dalawa ng kinahoy na stereo ng sasakyan buhat sa kanilang asset.
Dito nadiskubre ng mga pulis na hindi pag-aari ng dalawang suspek ang sasakyan nang makita sa rehistro at lisensyang nakumpiska na ito ay pag-aari ni Talampas.
Si Talampas ay napaslang nitong nakaraang Marso 27 sa St. James Subdivision, Brgy. Balai, Santiago City at tinangay ng mga salarin ang kanyang sasakyan.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Melchor Reyes na naberipika ng pulisya na nakaw ang naturang sasakyan nang kanilang makumpirma sa “flash alarm” sa naturang behikulo mula sa Santiago City Police.
Sa ginawang interogasyon, ikinanta ng dalawa ang tatlo pa nilang kasabwat sa krimen na sina Cris Art Gaffud, Ronald Meneses at Julius Mendez na napag-alaman na nadakip na rin ng pulisya sa Isabela.
- Latest
- Trending