MANILA, Philippines - Dahil sa walang nagmagandang-loob na agad na sumaklolo, tuluyang nasawi ang isang 64-anyos na lolo na ilang oras na naghingalo bago nalagutan ng hininga makaraang mabangga ng isang rumaragasang sasakyan kahapon ng madaling-araw sa Roxas Boulevard, Pasay City.
Ilang minutong nakahandusay ang duguang katawan ng biktimang si Rolando Angeles, ng San Juan St., Pasay subalit walang nangahas na magdala sa kanya sa pagamutan sanhi ng grabeng pinsala hanggang dumating ang Pasay Rescue Team na nagsugod sa kanya sa 7th Day Adventist Medical Center subalit nasawi rin makaraan ang dalawang oras sa naturang pagamutan.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang nakabangga na si Benny Tan, 26, negosyante, ng Doña Manuela Subdivision, Brgy. Pamplona 3, Las Piñas City.
Sa ginawang pagsisiyasat ni SPO1 Alberto Ignacio ng Pasay Police Traffic Enforcement Unit, galing sa pagja-jogging ang matanda sa CCP Complex at patawid na sa Roxas Boulevard patungo sa gawi ng Traders Hotel dakong alas-5 ng umaga nang mahagip ng kotseng minamaneho ni Tan.
Sa lakas ng pagkakabundol, nabaklas ang gulong ng kotse at tumilapon pataas ang biktima at nang bumagsak ay tumama pa sa kaliwang bahagi ng bubungan at side mirror ng sasakyan.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isinampang kaso ng pulisya laban kay Tan habang nakalagak pa sa morgue ng naturang pagamutan ang bangkay ng biktima.