MANILA, Philippines - Agad na namatay ang isang miyembro ng Manila Police District sa sarili niyang baril makaraang aksidenteng pumutok kahapon ng hapon sa bahay ng kaibigan nito sa Dagupan St., Tondo, Maynila.
Isang tama sa dibdib mula sa 9mm pistol ang sanhi ng kamatayan ng biktimang si PO3 Angelo Garcia Agulto, 35, nakatalaga bilang jailer sa MPD-Station 11 at residente ng Gabriela St., panulukan ng Dagupan Ext., Tondo.
Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera, dakong alas-12:30 ng hapon kahapon nang makarinig ng isang putok ng baril ang kaibigan ni Agulto na si “Lito”, 35, sa bahay ng kaibigan, kung saan siya tumutuloy.
Nang magtungo ito sa sala ay tumambad ang biktima na duguang nakaupo sa sahig at sa harapan nito ang nakalapag din na service firearm.
Nabatid na lilinisin pa lamang ng biktima ang baril nito at kinuha sa kanyang bag, na hiwalay na ang magazine, sa di akalain ay may isang bala na naiwan umano sa loob ng baril na siyang pumutok at tumama sa kanyang dibdib.
“Wala naman kaming nakitang foul play. ’Yung bala na naiwan sa baril ang pumutok kasi dati nang kalas ang magazine ng baril niya na nasa bag. Kinuha niya nang walang magazine para linisin daw,” ani Tajonera.