MANILA, Philippines - Isa sa apat na holdaper na sakay ng dalawang motorsiklo ang bumulagta sa kalye, matapos umanong mabaril ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 3, kahapon ng madaling-araw.
Tinatayang nasa edad 30 hanggang 35 anyos ang hindi pa kilalang holdaper na may taas na 5’3’’, maiksi ang buhok, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, itim na shortpants at tsinelas, habang mabilis namang nakatakas ang tatlo nitong kasamahan na lulan ng 2 motorsiklo.
Sa ulat na isinumite kay P/Sr.Insp. Esmael dela Cruz, acting Chief ng MPD-Homicide Section dakong alas- 3:30 ng madaling-araw, nang maganap ang nasabing insidente sa tabi ng San Lazaro Hospital sa Quiricada St., Sta.Cruz, Maynila.
Sakay ng tricycle ang isang Ricky Roque, 29, waiter at residente ng Alvarez St., Tondo, na minamaneho ng isang Jerome Balendo, nang sumulpot ang 2 motorsiklo na lulan ng apat na suspect na armado ng baril.
Tinutukan ng baril si Roque at sapilitang kinuha ang bitbit nitong bag, habang nakatutok din umano ang baril sa nasabing tricycle driver.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang grupo ng Anti-Crime Unit ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3 kung saan namataan ang komosyon at sinita ang mga suspect hanggang sa nauwi sa habulan na umabot pa sa Ipil St., sa Tondo.
Imbes na sumuko, nagtangkang paputukan ng isa sa mga suspect ang grupo ng pulisya dahilan upang gumanti ang mga ito at paputukan ang suspect dahilan ng pagkasawi nito habang ang iba pang kasamahan naman ay nakatakas.