Dahil sa tsismis, helper patay sa guard

MANILA, Philippines - Isang 31-anyos na helper ang nasawi makaraang barilin ng isang security guard na kanyang kinompronta upang linawin ang kumakalat na tsismis na karelasyon ito ng kanyang misis, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Hindi na umabot ng buhay sa Pasay City General Hospital dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Louie Francisco, dating nakatira sa Vergel St. nang na­sabing lungsod.

Nakatakas naman ang suspek na nakilalang si Arnel Villa­ruel, security guard ng Tomcats Security Agency at residente ng Sinco Residence, Vergel St. sa naturang lungsod.

Sa imbestigasyon ng Station Investigation Detective Manage­ment Section ng Pasay City Police, unang nakasagap ng tsismis si Francisco na umano’y may relasyon ang suspek na si Villaruel sa kanyang misis na si Mira.

Naglasing si Francisco dakong alas-8 kamakalawa ng gabi at tiyempo naman na dumaan sa harap ng kanilang bahay ang guwardiyang si Villaruel na agad na kinompronta ng una tungkol sa tsismis.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang   komprontasyon hanggang sa barilin ng tatlong ulit ng suspect gamit ang kanyang service firearm ang biktima na duguang bumagsak sa kalye.

Show comments