MANILA, Philippines - Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista na magtutungo sa mga probinsya, isinailalim na ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status kahapon (Marso 28) ang puwersa nito kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
Kabilang sa paghahanda ng pulisya, sinimulan nang magpakalat kahapon ng mga secret marshal o undercover agent ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga bus terminal para sa seguridad ng mga pasahero laban sa mga kawatan na mananamantala.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Mario O. dela Vega, simula kahapon ay ipinakalat na nila ang undercover agent sa 22 bus terminals sa lungsod na pawang nakasuot lamang ng sibilyan.
Sinasabing 24 na oras ang gagawing halinhinang pagbabantay ng mga operatiba laban sa pag-atake ng masamang elemento.
Bukod sa 24 hours na undercover agent on duty, may 650 pulis pa ang ipapakalat para sa seguridad sa lungsod ngayong Semana Santa, katuwang ang may 300 Barangay Public Safety Officers (BPSO).
“The alert status of the entire PNP is placed at full alert status, effective 5 pm today,” pahayag naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr.
Ang full alert status ay nangangahulugan na kanselado ang mga leave ng mga pulis para siguraduhin ang kaligtasan ng publiko.
Binabantayan na rin ng kapulisan ang mga teroristang grupo na maaaring manamantala ngayong Kuwaresma.
Partikular na bantay sarado ang LRT, MRT stations, bus terminals, mga daungan at paliparan.
Samantala, inihayag naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Alan Purisima, tatapatan nila ng mga naka-motorsiklong pulis ang mga riding-in-tandem na kriminal kasabay ng pagpapakalat ng 5,572 pulis sa mga matataong lugar