Malaysian drug mule timbog sa P15-M shabu
MANILA, Philippines - Nakapuntos ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa tinaguriang West African Drug Syndicate (WADS) matapos maaresto ang isang Malaysian national na pinaniniwalaang miyembro ng grupo, sa pagtatangkang magpuslit palabas ng bansa ng metamphetamine hydrochloride o shabu na may katumbas na halagang P15-milyon.
Kinilala ang nadakip na si Bing Sye Poh, 37, ng #347 Jalan Bk 2/7 Bandar Kurara, Puchong, Kuala Lumpur, Malaysia.
Batay sa ulat ni NBI-Reaction, Arrest and Interdiction Division (NBI-RAID) chief, Atty. Ross Jonathan Galicia, pinigil ito ng mga operatiba ng NBI nang matuklasang may dala na itong maleta na puno ng mga damit pambabae habang nakapalaman umano ang 2.46 kilo ng shabu, nang manggaling ito sa isang hotel sa Parañaque.
Gumamit umano ng pangalang David ang suspect na si Poh, batay sa natanggap na tip ng mga ahente ng NBI mula sa international counterparts at asset ng NBI na siyang sasalubong sa shipment ng droga sa bansa mula sa WADS-Africa based na inaasahang paparating umano noong Biyernes, na agad namang tinugaygayan.
Saad umano ng natanggap na tip, ang isang “drug mule” na magmumula sa Malaysia na may pangalang Bing Sye Poh ay ipinadala ng grupo sa Pilipinas sakay ng Air Asia Flight No. AK 1438, na bababa sa Clark Terminal, Pampanga, upang kunin ang luggage at ibiyahe patungo sa Malaysia.
Nag-check-in sa Crosswinds Asian Hotel sa Parañaque City si Poh gamit ang pangalang “David.” Hindi pa nagtatagal ay umalis ito sa nabanggit na hotel at sumakay ng taxi ng walang dalang luggage at sinundan ng NBI agents.
Nang makitang bumaba ito sa panulukan ng Harrison St. at Buendia Avenue at pumasok sa isang pribadong compound at paglabas nito roon ay may bitbit nang maleta dala na ang kontrabando.
Habang naghihintay ang taxi na sinakyan ng suspect, isang NBI agent na ang nagmaneho ng taxi at nakipagsabwatan nang utusan ng suspect na bumalik sa hotel para kunin siya at pagsapit sa EDSA Rotonda sa Pasay City ay saka siya inaresto.
Umamin ang suspect na nakiusap lamang umano ang kanyang kaibigang Malaysian na alyas “Pepe” na kunin ang luggage sa isang tao na may codename na “666” kapalit ng US$1,500.
Nakapiit na sa NBI detention cell ang suspect matapos isailalim sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office kaugnay sa paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) Art. II of Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001.
- Latest
- Trending