MANILA, Philippines - Isang sekretarya ng homeowners association sa lungsod Quezon ang patay makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, ang biktima ay nakilalang si Rowena Paclibar, 49, may-asawa, secretary ng Samahang Kasoy at Kaunlarang Homeowners Association at residente sa no. 06B, Katuparan St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Kapwa nakasuot ng itim na jacket at ballcap ang dalawang hindi nakilalang suspect na mabilis namang tumakas makaraang isagawa ang krimen.
Sa ulat ni SPO1 Johnny Mahilum, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Katuparan St., Brgy. Commonwealth ganap na alas-11 ng gabi.
Ayon kay Flora Ilanan, nasa loob siya ng kanyang sari-sari store nang makita niya ang biktima na nagdaan para magtapon ng basura patungong Commonwealth Avenue.
Ilang minuto ang lumipas, nakarinig na lang umano si Ilanan ng mga putok ng baril mula sa labas hanggang sa ipagbigay alam sa kanya ng kapitbahay na pinagbabaril na umano ang biktima at patay na ito.
Nakita naman ng mga residente ang mga suspect na casual na naglakad lamang papalayo patungong Katipunan Extension.
Ayon sa anak ng biktima na si Ronito Paclibar, naniniwala umano ito na ang re-blocking sa kanilang lugar ang ugat ng pagpatay sa kanyang nanay.
Diumano, isa ang biktima sa nagsusulong ng pagpapatupad ng roadwidening project kung saan iuurong ng walong metro ang mga bahay na maaring ikinagalit ng mga residente sa Katuparan St.
May hawak na rin umanong testigo ang pulisya, pero ayaw pa nitong lumantad dahil sa takot.
Patuloy ang follow-up operations ng awtoridad sa nasabing insidente.