5 high school students, timbog sa panghoholdap
MANILA, Philippines - Inaresto ang limang high school students sa isang pribadong eskwelahan sa Quezon City matapos nilang holdapin ang isang accountant na nasa e-load business dahil sa umano’y pambili nila ng load para sa online gaming kamakalawa ng gabi.
Ang kabataang lalaki na pawang mga nasa edad 15-16 ay itinago sa pangalang Boy, Jun, Manny, Rolly, at Alex, pawang mga 3rd year high school, at ngayon ay nasa pangangalaga ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal. Sila ay naaresto matapos na humingi ng tulong sa mobile patrol unit ang kanilang biktima na si Anthony King Lozano, 28, accountant, ng Brgy. San Jose Antipolo City.
Si King ay nasa networking business o universal loading kung saan pwedeng makapag-reload ang kanyang mga kostumer sa iba’t ibang communications company.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente nang makipagkita si King sa tatlong mga suspect sina Boy, Jun, at Manny sa Gateway Araneta Center, Cubao ganap na alas-7:30 ng gabi. Ito ay upang pag-usapan ang buyer ng universal loading. Pero biglang binago ng mga suspect ang lugar ng tagpuan at napunta sila sa Kamuning, Brgy. Sacred Heart.
Ganap na alas-9:30 ng gabi, habang naglalakad ang biktima at sina Boy at Jun sa may kahabaan ng Scout Fernandez, tatlo sa mga suspect ang biglang sumulpot na pawang mga naka-hood at tinutukan ng patalim ang biktima.
Kasunod nito, nilimas ng mga nakasuot ng hood na mga suspect ang pera at gamit ni King, saka mabilis na tumakas sakay ng isang itim na multi cab na may plakang XPN-967. Tiyempo namang nagpapatrulya sa lugar ang isang mobile car at nilapitan ng biktima saka humingi ng tulong. Agad na hinabol ng mga awtoridad ang sasakyan, hanggang sa makorner ito ang mga suspect sa may Welcome Rotonda at inaresto.
Nakuha rin sa kanila ang mga gamit at pera ng biktima na nagkakahalaga ng P70,000. Mula rito ay nabatid pa ni King na sina Boy at Jun ay classmates ng mga suspect at magkakasama kung kaya nabuo ang hinala ang dalawa ay nakipagsabwatan sa mga huli sa pag-set up sa kanilang pagtatagpo sa nasabing lugar para siya holdapin. Kasong robbery ang kinakaharap ng mga nasabing suspect.
- Latest
- Trending