MANILA, Philippines - Kinumpirma ng isang grupo ng dealers ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na nagkalat pa rin sa merkado ang mga bulok at may tagas na mga tangke ng LPG na ibinibenta sa mga walang malay na mga consumers.
Sinabi ni LPG Industry Association (LPGIA) head Mercedita Pastrana, ng Total Philippines Corp. na higit sa 3 milyon sa 12 milyong 11-kilogram na LPG tanks na ginagamit ng mga dealers sa bansa ay hindi na angkop para gamitin. Dahil dito, nanawagan si Pastrana sa Kongreso na dapat nang ipasa ang matagal nang nakabinbin na LPG bill para mapataas ang pamantayan sa industriya ng cooking gas. Sa naturang bill, binibigyan ng kapangyarihan ang pamahalaan na kumpiskahin ang mga bulok at substandards na mga tangke ng LPG at pataasin ang mga parusa at multa sa mga may-ari ng naturang mga tangke.
Bukod sa naturang bilang, nasa 3 milyong tangke pa rin umano ang hindi naman dumaan sa pagsusuri upang matiyak na pumasa ito sa mga “safety regulations” na dapat ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI).