Kelot utas sa pamamaril ng tanod
MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng isa umanong nakaalitang barangay tanod sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Ramon Ungkal, 56, ng Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Tugis naman ngayon ng pulisya ang tumakas na suspect na nakilala lamang sa pangalang Johnny Buce na sinasabing miyembro ng Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy. Batasan Hills.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa Taniman St. Gloria D Ext. Brgy Batasan Hills ganap na alas-10:40 ng gabi.
Naglalakad umano pauwi ang biktima nang makasalubong nito ang suspect hanggang sa hindi inasahan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Sa kainitan ng pagtatalo ay nagbunot umano ng patalim si Ungkal at tinangkang saksakin ang suspect, pero agad na nahawakan ng huli ang kamay ng una sanhi para magpambuno sila sa patalim hanggang sa maagaw ito ng huli.
Matapos maagaw ang patalim ay nagbunot naman ng baril si Buce at pinaputukan ang bitikma, saka mabilis na tumakas.
Nagawa pang isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay.
- Latest
- Trending