P9.6-M laan ng Makati govt. sa graduation

MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Makati na walang gagastusin kahit isang kusing ang mga magulang na mga mag-aaral na magtatapos sa elementarya at high school ngayong Marso.

Ito’y makaraang maglaan ng P9.6 mil­yong pondo ang lokal na pamahalaan para sagutin ang lahat ng pangangaila­ngan sa pagtatapos ng tina­tayang 15,115 mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Muling ipinaalala ni Mayor Jejomar Erwin Binay sa mga administrador ng 25 elementarya at 10 high school na pampublikong paaralan na walang dapat na singilin na graduation fees sa mga magulang dahil sa sagot nila ang lahat ng gastusin. Kabilang dito ang gastos sa souvenir programs, diploma, dekorasyon sa stage, meryenda at inumin, at pang-arkila sa mga upuan at iba pang kakailanganin.

Ipinagmalaki ng alkalde na nag-umpisang sagutin ng pamahalaang lungsod ang gastusin sa graduation ng mga mag-aaral noon pang taong 2007.

Sa kabila nito, pinaalala naman ni Binay na nararapat isuot ng mga mag-aaral ang kanilang mga uniporme sa graduation at hindi ang toga upang maipakita rin ang pagi­ging simple sa seremonya. Inumpisahan umano itong ipatupad simula noong 1998 pa.

Show comments