MANILA, Philippines - Hinihinalang isang call boy ang pumatay sa manager ng isang dress shop makaraang matagpuan itong duguan dulot ng pagkakagilit ng leeg at mga saksak ng patalim sa dibdib sa loob ng isang motel, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala lamang sa pamamagitan ng natagpuang identication card ang biktimang si Emmanuel Tanchico, 25, at may provincial address sa Puerto Princesa, Palawan.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, dakong alas-7 ng gabi nang matagpuan ng mga opisyal ng barangay ang bangkay ng biktima sa loob ng Room 12 ng Galaxy Lodge sa 2245 Taft Avenue, ng naturang lungsod.
Ayon sa roomboy na si Daniel Ponce, 41, nag-check-in dakong alas-5 ng hapon ang biktima kasama ang isa pang lalaki na hinihinalang call boy sa naturang kuwarto. Bandang alas-6:30 ng gabi nang marinig niyang may humihingi ng tulong kaya kanyang kinatok ang kuwarto ngunit hindi siya pinagbuksan.
Dito na humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay si Ponce kung saan puwersahang binuksan ang pinto ng kuwarto. Dito tumambad sa kanila ang duguang bangkay ng biktima habang wala na ang lalaking kasama nito na hinihinalang nakasalisi sa pagtakas.
Ayon sa pulisya, maaaring hindi nagkasundo sa bayaran ang dalawa na naging dahilan ng kanilang pagtatalo at ugat ng krimen. Inaalam rin naman ng pulisya kung pinagnakawan ang biktima.