2 suspect sa Daily Tribune reporter tinutugis

MANILA, Philippines - Patuloy ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawa pang suspect na sinasabing responsable sa pambubugbog at pagbaril sa Malakanyang beat reporter ng Daily Tribune na si Fernan Angeles makaraang madakip ang isa sa kanila kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Sr. Supt. Mario Soriano, District Director ng Eastern Police District (EPD), kilala na nila ang dalawa  at ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad.

Inilabas naman ni TF Angeles chief District Director for Operations Sr. Supt.  Antonio Gumiran ang artist sketch ng isa sa dalawa pang suspect na sinasa­bing kilala sa pangalang  alyas Praning.

 Una dito ay nadakip ganap na alas-5:00 ng hapon kamakalawa ng mga tauhan ng Pasig City police si Faisal Sancopan Rogong, 42, sa boundary ng Pasig City at bayan ng Cainta sa Rizal.

Sumasailalim ngayon sa masusing imbestiga­syon si Faisal sa Pasig City headquarters.

Si Faisal ay siya rin binanggit ni Fernan sa kanyang misis na si Gemma bago ito mawalan ng malay nang ipasok sa Intensive Care Unit  (ICU) sa Pasig City General Hospital.

Naniniwala si Gemma na may kinalaman sa ‘krusada’ sa droga ang ginawang pananakit at pagbaril sa kanyang mister.

Magugunitang Marso 11,  nang bugbugin at barilin ang reporter habang nagpapaload ng cellphone sa isang tindahan sa Evangelista St., Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Show comments