MANILA, Philippines - Inatasan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ang Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng imbestigasyon sa sunog na sumiklab sa Ever Gotesco Grand Central Mall sa Caloocan City na tumagal ng halos 20 oras.
Ito’y bunsod umano ng nangyaring “foul play” o sinadyang pagsunog sa nasabing mall kung saan sinasabing 17 bumbero din ang nasugatan.
Ayon kay Robredo, ang kanyang kautusan ay bunsod ng kahilingan ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri na imbestigahan ang insidente.
Partikular na inatasan ni Robredo si BFP Director for Plans and Standards Development Chief Superintendent Carlito Romero upang magsagawa ng pagsisiyasat hinggil sa tunay na ugat ng nasabing sunog.
Ayon kay Romero, nais ng kalihim na malaman kung totoo ang balitang sinadya ang sunog, gayundin ang reklamo ng mga unang rumespondeng bombero na hindi agad pinapasok ng mga guwardiya sa loob ng mall.
Sabi ng opisyal, isang special team ang bubuuin ng kanyang tanggapan na magsasagawa ng imbestigasyon kasama ang Anti Arson Task Force ng BFP.
Aalamin din nila kung gumana ang water sprinkler ng mall nang magsimula ang sunog.
Tiniyak pa nito, na wala silang sasantuhin anuman ang magiging resulta ng kanilang gagawing pagsisiyasat.
Bagama’t idineklara nang “under control” dakong alas-11 kamakalawa ng gabi ang sunog, patuloy pa ring umaapoy ang loob ng mall habang isinusulat ang balitang ito.
Nangangamba naman si Echiverri na matulad ang sunog sa sumiklab na sunog rin sa naturang mall noong 1991 kung saan tumagal ng dalawang araw at kalahati bago tuluyang naapula.
Kinukuwestiyon naman ngayon ang integridad ng naturang gusali dahil sa dalawang beses na itong tinamaan ng sunog.