MANILA, Philippines - Imposible umano ang plano ng Manila Barangay Bureau (MBB) na gawing 6 na taon ang panunungkulan ng mga barangay chairman sa Maynila.
Ito naman ang binigyan-diin ni Manila 3rd District Councilor Joel Chua kung saan sinabi nito na nais ipakita ni MBB Director Atty. Analyn Buan na mas mataas pa ito sa Kongreso at Senado.
Ani Chua, mas masusunod pa rin ang Kongreso at Senado dahil hindi lamang sa lungsod ng Maynila ito. Sakop ng usapin ang buong bansa.
Kinukuwestiyon din ni Chua ang motibo ni Buan ng pagpapakalat ng planong gawing 6-year term ang mga barangay chairman gayong salungat ito sa RA 7160 o mas kilala bilang Local Government Code of 1991.
Paliwanag ni Chua, “immaterial” ang binabanggit ni Buan upang makakuha lamang ng suporta ng mga barangay chairman at upang hindi siya mapatalsik sa puwesto at mabuwag ang MBB. Sinabi naman ni Buan na mayroon nang panukala sa Kongreso na gawing 6 na taon ang panunungkulan ng mga barangay chairman kung saan maaari pang tumakbo ang mga ito sa re-election.
Subalit lumilitaw na walang anumang panukala sa Kongreso na gawing 6 na taon ang panunungkulan ng mga barangay chairman.