MANILA, Philippines - Nasagip ng lente ng kanyang camera ang photographer ng isang international news agency sa posibleng kapahamakan matapos na ang gamit nitong camera ang tamaan ng ligaw na bala habang kumokober sa transport caravan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa lungsod Quezon kahapon.
Ang biktima na dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) City Hall detachment ay kinilalang si Jay Directo, photographer ng Agence France-Press (AFP) upang ipa-blotter ang nangyaring insidente ng pagkakabasag ng lente ng kanyang camera.
Ayon kay Directo, nakasakay siya sa isang bus na nagbibigay ng libreng sakay sa mga na-stranded na commuters nang umalingawngaw ang dalawang putok ganap na alas-10 ng umaga sa kasagsagan ng transport caravan. Mula rito ay napansin ni Directo na butas na ang lente ng kanyang Nikon DS3 SLR camera na nakasukbit sa kanyang beywang.
Hindi naman batid ni Directo kung saan nagmula ang putok at kung sino ng nagpaputok nito.
Sinisiyasat naman ng awtoridad kung tama nga ng bala ang nakabutas sa lente ng camera ni Directo.
Gayunman, laking pasalamat ni Directo dahil hindi siya ang tinamaan na maglalagay sa kanya sa posibleng kapahamakan.