MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang negosyante ng isang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Pasig City, kahapon ng hapon.
Ang biktima na kinilalang si Rogelio Silva, 58, ng Brgy. Palatiw, Pasig City ay dead-on-arrival sa The Medical City Hospital, bunsod ng tinamong maraming tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng hapon sa M.H. Del Pilar St., habang ang biktima ay sakay ng kanyang Toyota Fortuner (PIS-101) na minamaneho ng kanyang driver na si Roy Reyes.
Ayon sa report, papaalis palang ang biktima sa kanyang tahanan nang salubungin umano ng suspek na sakay ng isang kulay pulang Honda Wave na walang plaka ang sasakyan.
Pagkatapat ng sasakyan ng biktima ay bigla itong bumunot ng baril at sunud-sunod na pinaputukan ang negosyante habang ang driver nito ay hindi naman sinaktan.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo.
Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya para mabatid ang motibo ng krimen at upang madakip ang salarin.