3 miyembro ng African Drug Syndicate, tiklo

MANILA, Philippines - Muli na namang nakaiskor ang mga operatiba sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) laban sa miyembro ng African Drug Syndicate (ADS) makaraang maaresto ang tatlong dayuhang nagtangkang magpuslit ng iligal na droga sa bansa, ayon sa ulat kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., ang mga nadakip ay sina Camara Aicha, Ghanaian­ national, at mag-asawang sina Joseph Yaw Kyeremteng, Ghanaian­ national at Hamshaw Sulemans.

Ayon kay Gutierrez, ang pagkakasakote sa mga suspect ay bunsod ng dalawang interdiction operation na ginawa ng PDEA National Capital Region (PDEA-NCR) sa pamumuno ni Director Pedrito Magsino at Special Enforcement Service (SES) Director Jeoffrey Tacio sa NAIA nitong March 13, 2012.

Kasama rin sa operasyon ang NAIA Drug Interdiction Task Group (NAIA-DITG), partikular ang Bureau of Customs (BoC), Bureau of Immigration (BI) at ang Manila International Airport Authority (MIAA).

Ayon sa ulat, ganap na alas-12:30 ng tanghali nang madakip si Aicha, matapos na makuhanan ng dalawang kilo ng shabu sa may pinekeng compartment ng kanyang luggage nang isagawa ang inspeksyon.

Si Aicha ay dumating sa bansa sakay ng Etihad Airways flight EY428 mula Morocco, Casablanca via Abu Dhabi.

Matapos ito, na-intercept naman ng tropa ang walong kilo ng shabu mula sa mag-asawang Kyeremteng at Sulemans. Nakuha sa kanila ang illegal packages sa kunwaring compartments ng kanilang apat na trolley bags.

Ang mag-asawa ay dumating sa bansa sakay ng Etihad Airways flight EY 424 mula Morocco, Casablanca via Dubai.

Ayon sa PDEA, walong miyembro ng African Drug Syndicate (ADS) ang nadadakip sa bansa dahil sa pagtangkang magpuslit ng iligal na simula ng pagpasok ng taong 2012.

Base sa rekord ng kagawaran, may kabuuang 52 ADS members na ang naaresto mula 2010 hanggang sa kasalukuyan ng binuong Task Force Drug Couriers sa iba’t ibang bansa na may mandato na pagtuunan ng pansin ang problema sa drug couriers.

Sa naturang figure, 63 porsiyento ay African nationals na kinabibilangan ng Nigerians, Mozambique, Lesotho, Togolese, Ghanaian, South African, Guinean, Botswanian, Kenyan, Guienne­ at Ugandan. 

Base pa rin sa records, sa 52 ADS members na nadakip, 38 o 73 percent ay nadakip sa bansa.

Show comments