MANILA, Philippines - Patay ang isang 23-anyos na lalaki nang pagtripan at pagtulungang saksakin ng dalawang hindi nakikilalang addict habang namamasyal kasama ang kanyang kaibigan kamakalawa ng gabi sa Baseco Compound Port Area, Maynila.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Gat. Andres Bonifacio Medical Memorial Center ang biktimang si Pastel Garcia, ng Bagong Lupa, Port Area, Maynila dahil sa dami ng saksak sa katawan.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa may seashore ng Baseco Compound Port Area, Maynila.
Nabatid na kasamang namamasyal ng biktima ang kaibigang si Jude Letada ng sumulpot ang dalawang suspect na may takip sa mukha.
Kaagad umano silang inatake kung saan nagawa ni Letada na makatakbo habang nakorner naman ang biktima ng mga suspect.