1 sa Dominguez brother, sugatan sa tandem
MANILA, Philippines - Isa sa Dominguez brothers na itinuturong lider ng kilabot na carjacking group ang sugatan matapos na pagbabarilin ng riding- in-tandem suspect habang sakay ng BJMP vehicle makaraang dumalo sa court hearing sa City Hall sa lungsod Quezon kahapon ng hapon. Nabatid sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kinilala ang sugatan na si Raymond Dominguez na agad na dinala sa East Avenue Medical Center matapos na masugatan sa tenga matapos ang ambush. Hindi naman natukoy, ayon sa report, ang pagkakakilanlan ng mga suspect dahil matapos ang pamamaril ay mabilis ding naglaho sa nasabing lugar.
Nangyari ang insidente sa may Xavierville, Katipunan ganap na alas-3:30 ng hapon habang sakay ng BJMP vehicle si Raymond patungo sa Bicutan, Taguig kung saan siya nakadetine. Bago ito, galing umano si Raymond sa City Hall matapos na dumalo sa court hearing sa kasong carnapping na kinasasangkutan nito. Diumano, habang binabagtas ang naturang lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect at pinaputukan ng dalawang beses ang sasakyan saka mabilis na tumakas.
Hindi na hinabol ng mga security escort ni Raymond ang mga suspect para paputukan sa pangambang may tamaan pang ibang tao sa lugar. “Saka ang iniisip natin, baka “tactics” lang ng mga suspect ang pamamaril para pahabulin ang tropa natin at doon gawin ang tunay na pananambang,” ayon sa BJMP. Sa kabutihang palad, hindi naman napuruhan si Raymond at agad na itinakbo sa nasabing ospital. Si Raymond at kapatid nitong si Roger Dominguez na itinuturing na lider ng grupo dahil sa serye ng carjacking ay isinasangkot din sa pagpatay kina Emerson Lozano, anak ni Atty. Oliver Lozano at Venzon Evangelista noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending