MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong rape with homicide sa Manila Prosecutor’s Office ang dalawang rapist ng 7-anyos na bata na ginahasa at binigti pa ng mga suspect sa Sta. Mesa, Manila.
Hindi naman kinakitaan ng pagsisisi sa mukha ang mga suspect na sina Roderick Soliveres, 28, ng Paco, Maynila at Cecilio Bacolo, 19, ng Balic-Balic, Sampaloc, Maynila sa ginawang panggagahasa at pagpatay kay Ernieca Abando, grade 1 pupil.
Ang dalawang suspect ay kapwa miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at kalalabas lamang ng Manila City Jail. Kahapon ay iniharap ang dalawang suspect kay Manila Mayor Alfredo Lim, kung saan walang kagatul-gatol na inilahad ng mga ito ang kanilang ginawang karumal-dumal na krimen.
Ayon kay Soliveres na matagal na niyang pinagpapantasyahan ang biktima tuwing nakikita niya itong papasok hanggang sa ipasya niyang isagawa ang balak noong Marso 9 katulong ang kanyang kaibigang si Bacolo.
Isinagawa ng dalawa ang krimen kung saan inamin ni Soliveres na tatlong ulit niyang ginahasa sa puwet ang biktima habang isang beses naman si Bacolo. Pinasakan ng tuwalya at tape ang bibig ng biktima upang hindi makasigaw. Agad ding nadakip ang dalawang suspect matapos na positibong itinuro ng mga saksi. Sinabi pa ni Soliveres na naimpluwensiyahan siya ng kanyang panonood ng mga porno sa mga computer shops.