MANILA, Philippines - Nasawi si dating Malabon Vice-mayor Arnold Vicencio makaraang sumemplang sa minamaneho niyang motorsiklo habang bumibiyahe sa South Luzon Expressway sa bandang Muntinlupa City kamakalawa ng umaga.
Nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan ang 40-anyos na si Vicencio na naging ugat ng kanyang agad na pagkasawi habang isinugod naman sa Ospital ng Muntinlupa ang kaangkas nito na si Rolando Esturia, 45, ng San Jose del Monte, Bulacan.
Nabatid na galing sa isang lamay si Vicencio sa Malabon bago umalis upang magtungo sa kanyang farm sa lalawigan ng Batangas.
Nabatid na lulan ng kanyang 700cc Honda big bike ang biktima dakong alas-9 ng umaga nang mawalan ng kontrol.
Tumilapon umano ng ilang metro ang biktima sa kanyang motorsiklo. Sa kabila ng suot na crash helmet, nagkalamug-lamog naman ang katawan nito na dahilan ng kamatayan.
Sa panayam ng mga imbestigador sa nakaligtas na si Esturia, isang kotse umano ang biglang gumitgit sa kanila pagsapit sa Kilometer 20 sanhi upang sumadsad sila sa concrete railing ng SLEX at diretsong sumemplang.
Ang biktima ay anak ni dating Malabon Mayor Amado Vicencio. Nagsilbi itong bise-alkalde ng lungsod bago tumakbo at natalo sa congressional elections nitong 2010 .