Misis utas sa tsismis
MANILA, Philippines - Isang tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng isang 59 anyos na misis matapos na barilin sa ulo ng kanyang kapitbahay na lalaki na umano’y may dati ng galit sa kanya dahil sa pagkakalat ng tsismis sa lungsod Quezon.
Kinilala ni Chief Insp. Rodel Marcelo hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-DACU) ang biktimang si Gloria Gatallo, may-asawa ng no. 67 West Riverside St., Brgy. San Francisco del Monte sa lungsod.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Jose Lava Jr., nasa pagitan ng edad na 60-65, at residente din sa nasabing lugar na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Ayon kay SPO1 Jimmy Jimena, may-hawak ng kaso, nag-ugat ang pamamaril dahil sa kinimkim umano na galit ng suspect sa biktima bunga ng pagkakalat umano ng huli ng tsismis na drug pusher ang pamilya ng una.
Nangyari ang insidente ganap na alas 11:55 ng gabi.
Sa pahayag ni Felipe Gatallo Jr., anak ng biktima, nasa loob siya ng kanyang kuwarto nang makarinig siya ng dalawang sunod na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay.
Agad na tiningnan ni Felipe ang pinanggalingan ng putok kung saan tumambad sa kanyang harapan ang duguang katawan ng kanyang nanay.
Mabilis na itinakbo ni Felipe ang ina sa St. Agnes Hospital subalit ganap na ala 1:20 ng madaling-araw ay binawian din ito ng buhay.
Sinabi naman ni Felipe Gatallo Sr., nakita niya ang suspect na may hawak ng baril at sinigawan niya ng “Hoy Ano yan” saka mabilis itong tumakas.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni Jimena, na bago barilin ng suspect ang biktima ay may hinahabol umano ito na pamangking drug pusher sa kanilang lugar.
Nang dumungaw sa bintana ang biktima ay ito naman ang pinagbalingan ng galit ng suspect at barilin sa ulo.
- Latest
- Trending