GRO utas sa ka-live-in

MANILA, Philippines - Dulot ng matinding selos, nagawang paslangin ng kanyang live-in-partner ang isang magandang GRO sa gitna ng matinding pagtatalo sa loob ng inuupahan nilang kuwarto sa Quezon City kahapon ng umaga.

Pasado alas-12:00 ng tanghali nang ma­tagpuang wala nang buhay ang biktimang si Lourdes­ Cuano, 23, sa loob ng inuupahang kuwarto sa 23-B Osmeña corner Gen. Wood St., Brgy. Del Monte, Quezon City bunga ng tinamong mga saksak sa katawan.

Patuloy namang pi­naghahanap ng pulisya ang tumakas na suspek na kinilalang si Franco Ramos, isang security guard.

Ayon kay Alvin Coritana, may-ari ng inuupahang kuwarto ng dalawa, madalas umano niyang maulinigan na palaging nagtatalo ang biktima at kinakasama nito.

Kahapon ng alas-7:30 ay narinig niya umanong nag-away muli ang da­lawa pero binale­wala niya ito, ngunit bandang magtatanghali ay kakatukin sana niya ang kuwarto ng biktima upang kausapin ngunit laking gulat niya nang makita sa nakaawang na pinto ng kuwarto ang duguang bangkay ng biktima.

Sinasabing selos umano ang dahilan ng nasabing pamamaslang sa biktima. Gayunman, patuloy ang pagbusisi ng pulisya sa kasong ito.

Show comments