Pulis-Maynila timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Timbog ang isang pulis-Maynila makaraang ireklamo ng pangongotong ng halagang P3,000 sa isang Korean national sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang dinakip na parak na si PO1 Raul Gayda Declaro, nakatalaga sa MPD-District Mobile Patrol Unit (DMPU). Siya ay inireklamo ng pangongotong ni Choi You Kyung, 27, accountant.
Sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw noong Marso 8, 2012 nang maganap ang insidente sa Mabini St., Ermita habang naglalakad ang biktima sa lugar nang sitahin ng suspect habang sakay ito ng isang mobile car (SJA 909).
Hinanapan umano ng suspect ng ID ang dayuhan at pinigil sa hindi malamang violation at upang hindi umano arestuhin ay hiningan ito ng halagang P10,000.
Tumanggi ang dayuhan dahilan wala itong dalang cash na ganung halaga hanggang sa nagkasundo sa P3,000 na lamang kaya nakalaya ito.
Dahil sa panghuhulidap sa kaniya, nagpasaklolo sa Korean Embassy ang dayuhan na tumulong sa kaniya sa pagdudulog ng reklamo sa MPD at saka dinakip ang inireklamong pulis.
- Latest
- Trending