Pagyoyosi sa QC jail bawal na
MANILA, Philippines - Ipagbabawal na ng pamunuan ng Quezon City jail ang paninigarilyo sa loob ng piitan dahil na rin umano sa lumalaking porsiyento ng mga tinatamaan ng iba’t ibang uri ng sakit ang mga preso tulad ng tuberculosis.
Ito ang sinabi ni QC jail warden Supt. Joseph Vela, dahilan upang tuluyang ipagbawal ang paninigarilyo ng mga preso at buong tauhan nito sa loob ng nasabing piitan.
Ayon kay Vela, napatunayan niya ang ganitong insidente dahil na rin sa sobrang sikip ng bawat selda kung saan nagkakahawaan ang mga preso, hindi lamang sa sakit na TB kundi umaatake rin ang mga sakit tulad ng asthma, bronchitis, at pneumonia.
Giit ni Vela, naging banta na umano sa kalusugan ng lahat ng preso sa QC jail ang sigarilyo dahil marami sa mga ito ang nauuwi sa pagkamatay sanhi ng sakit sa baga at hika.
Sinasabing numero uno sa densidad ng congestion ang Quezon City jail sa buong Pilipinas, kaya sa isang tao lamang umano na may sakit ay hindi maiaalis na magkakahawa-hawa ang mga ito bunga ng masikip na espasyo ng kanilang kinalalagyan.
- Latest
- Trending