2-anyos hulog sa condo, lasog
MANILA, Philippines - Patay ang isang 2-anyos na batang lalaki makaraang aksidente umanong malaglag buhat sa ikaapat na palapag ng isang condominium building sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Hindi na ipinasailalim sa awtopsiya ng kanyang mga magulang ang nasawing paslit na si Jarden Zachariah Gan, ng Unit 4-1 Avida Tower 6, Sucat Road, Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Joel Romantico, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa naturang condominium building.
Nabatid na inutusan ng ina ng biktima na si Andrea ang yaya ng kanyang anak na naiwan sa kanyang pangangalaga.
Maaari umano na nakaligtaan ng ina ang anak na naiwan sa kanilang kuwarto. Posible umano na nakabukas o nabuksan ng bata ang “sliding window” at sumilip. Dito na nalaglag ang paslit mula sa ikaapat na palapag ng gusali.
Tumanggi na rin ang mister ni Andrea na sampahan ng kaso ang ina na nasa “trauma” ngayon habang inaalam ng pulisya kung maaaring sampahan ng kasong kapabayaan ang may-ari ng gusali kung makikita na may kamalian sa disenyo ng kanilang mga kuwarto.
- Latest
- Trending