MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang dating police asset at anak nito ang nasawi makaraang paulanan ng bala ng mga nakamotorsiklong suspect sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nakilalang sina Fernando Corpuz, 44; ang anak nitong si Fernan Luis, 20, 3rd year criminology student at isang Simplicio Yoma, 48.
Ayon kay SPO1 Joelito Gagaza, mabilis na tumakas ang mga suspect na kapwa naka-bonnet sakay ng tig-isang motorsiklo matapos ang naturang pamamaslang.
Nangyari ang insidente sa may Sto. Rosario at St. Paul Sts., Brgy. Holy Spirit pasado alas-12 ng madaling-araw
Bago ang insidente, nag-uusap ang matandang Corpuz at kaibigan nitong si Yoma sa isang tindahan sa naturang lugar nang dumating ang batang Corpuz sakay ng kanyang motorsiklo.
Pagsalubong ng matandang Corpuz sa kanyang anak ay bigla namang sumulpot ang mga suspect na nakamotorsiklo din at biglang pinaulanan ng bala ng una.
Sa kabiglaan ay nagtatakbo papalayo ang batang Corpuz at isa pang biktima pero hinabol sila ng mga suspect at muling pinaulanan ng bala sa katawan.
Sinabi ni Gagaza, asset umano ng police ang nasabing biktima at sa dami ng basyo ng bala na natamo nito ay indikasyon na matindi ang galit sa kanya at hindi talaga ito bubuhayin.
Kinumpirma naman ito ni Marilou, asawa ni Fernando, pero wala naman daw nababanggit ang kanyang asawa na kagalit ito para maging ugat ng pagpatay. Maaari rin umanong ang dalawang biktima ay nadamay lamang sa pamamaril kay Corpuz.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.