MANILA, Philippines - Sumirit muli ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa makaraang magpatupad ng panibagong dagdag-presyo ang mga kompanya ng langis dahil sa katwiran na muling tumaas ang presyo ng langis sa internasyunal na merkado.
Muling nauna sa pagtataas sa presyo ng petrolyo ang Pilipinas Shell habang sumabay dito ang Total Philippines dakong alas-12:01 ng hatinggabi. Itinaas ng dalawang kompanya ng langis ang presyo ng premium at unleaded gasoline ng P0.60 sentimos sa kada litro, P0.85 sa regular gasoline, P0.30 sentimos sa kerosene at P0.20 sa diesel.
Tulad ng inaasahan, muling ikinatwiran nina Mitch Cruz, tagapagsalita ng Pilipinas Shell at Iris Reyes ng Total Philippines na ibinatay nila ang panibagong price adjustment matapos muling lumobo ang halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Bagama’t wala pang anunsiyo ang Petron, Chevron at iba pang maliliit na kompanya ng langis sa bansa, inaasahan din na susunod na rin sila sa pagtataas ng presyo ng kanilang produkto sa kaparehas ding halaga.
Nauna nang nagpahayag ang Department of Energy (DoE) na hindi mapipigilan ang panibagong pagtataas ng halaga ng mga produktong petrolyo ngayong linggo sanhi ng nagaganap pa ring tensiyon sa mga bansa sa Gitnang Silangan na pangunahing pinagkukunan ng langis.