Temporary protection ni Gatdula, pinaboran ng korte
MANILA, Philippines - Muling nakapuntos si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula matapos na paboran ng korte ang petition nito na humihiling na bigyan ito ng temporary protection dahil na rin sa banta sa kanyang buhay.
Sa tatlong-pahinang kautusan ni Manila Regional Trial Court Branch 26 Judge Silvino Pampilo Jr., kinatigan nito ang prayer for a temporary protection order, bukod pa sa pagbibigay ng seguridad ng ahensiya ng pamahalaan para kay Gatdula.
Una nang nagsumite ng petisyon para sa writ of amparo si Gatdula upang pigilan si DOJ Secretary Leila de Lima at ilang NBI officials sa pagsasampa ng kaso kaugnay ng bigong ambush kay NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda noong Pebrero 21.
Ang writ of amparo ay isang paraan upang mabigyan ng protection ang buhay at kalayaan ng isang tao laban sa mga pagbabanta.
Matatandaang sinabi ng kampo ni Gatdula na mismong si Esmeralda lamang ang nagplano ng kanyang sariling ambush na mariin namang itinanggi ng huli.
Sinibak si Gatdula makaraang isangkot sa umano’y pagdukot at pangingikil sa Haponesa na si Noriyo Ohara.
- Latest
- Trending