MANILA, Philippines - Utas ang isang lolo at lola kasama ang kanilang apo habang sugatan naman ang dalawa pang miyembro ng pamilya sa isang sunog na naganap kahapon ng madaling- araw sa Mandaluyong City.
Kinilala ni Mandaluyong City Fire Chief Inspector Nahum Sarosa ang mga nasawi na sina Eduardo Yangco Sr., 73, Norma Yangco, 77, at kanilang apo na si Lester Yangco, 18, Information Technology student sa University of the East (UE) sa Maynila na pawang residente ng Basilica St., Brgy. Namayan ng nasabing lungsod.
Sugatan namang isinugod sa Mandaluyong Medical Center sina Eduardo Yangco Jr., at asawa nitong ni Milagros dahil sa tinamong lapnos sa kanilang mukha at braso.
Ayon sa report, nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima nang maganap ang sunog dakong alas-12:47 ng madaling-araw.
Sinasabing unang nagising si Lester at tinangka nitong iligtas ang kanyang lolo at lola sa nasusunog nilang tahanan, pero na-trap din sa loob at na-suffocate ng makapal ng usok kaya nasawi rin.
Tinatayang aabot sa isang milyong halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog na idineklarang fireout makalipas ang isang oras.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog na umabot sa ikalawang alarma at naapula dakong ala-1:24 ng madaling-araw.